Mataas na bilang ng mga empleado ng gobyerno na nasa job order at contract of service pinaaksyunan ng Senado
Pinaaksyunan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Civil Service Commission ang mataas na bilang ng mga empleado sa gobyerno na nasa Job order at Contract of Service.
Ayon sa Senador, taon- taon inuungkat ang isyung ito lalo na tuwing budget hearing pero hanggang ngayon walang aksyon ang Civil Service Commission.
Sa nakuhang data ng tanggapan ng Senador aabot sa 170, 688 ang mga hindi napupunang mga posisyon sa mga tanggapan ng gobyerno.
Sa report naman ng CSC, ang may pinakamataas na bilang ng mga empleadong nasa job order at contract of service ay ang DPWH, DepEd, at DOH.
Kinukwestyon ng Senador ang CSC dahil karamihan sa kanilang itinatalaga sa mga ahensya ay hindi kwalipikado sa puwesto.
Naghain na ang Senador ng Senate bill no 131 o panukalang Civil Service Security of Tenure para sa permanenteng appointment at Automatic Civil Service Eligibility sa lahat ng casual at contractual employees na nanilbihan na sa gobyerno ng hindi bababa sa limang taon.
Naghain rin si Villanueva ng Senate Bill No. 568 na nagtatatag ng Skills Certificate Equivalency Program para civil service eligibility ng mga nagtapos ng technical and vocational education and training courses na may National Certificate mula sa Tesda.
Meanne Corvera