Mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin isinisi ng mga may-ari ng supermarket sa manufacturers
Itinuro ng Philippine Amalgamated Supermarket Association ang mga manufacturer na dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na nagpapataas din sa inflation rate sa bansa.
Sa Diretsahang Pananaw media forum sa Quezon City Sports Club sinabi ni Philippine Amalgamated Supermarket Association President Steven Cua na wala sa kamay ng mga may-ari ng supermarket ang kontrol sa presyo ng mga bilihin kundi nasa dikta ng manufacturers.
Ayon kay Cua ang pagpapatupad ng Suggested Retail Price o SRP ng Department of Trade and Industry o DTI maging ang price freeze sa mga prime commodities sa panahon ng emergency at kalamidad ay temporary relief lamang para sa mga consumers.
Inihayag ni Cua kung nais ng gobyerno na mapababa ang presyo ng mga bilihin maraming factor ang dapat na balansehin ng pamahalaan kasama na dito ang mga nakakaapekto sa cost of production tulad ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo, pagpapataw ng tax sa mga materyales na ginagamit sa production.
Batay sa report ng Consumers Price Index pumalo na 6.1 percent ang inflation rate sa bansa noong nakaraang buwan ng Hunyo kaya lalong tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ang isyu ng mataas na posiyento ng inflation rate sa bansa ang pangunahing concern ngayon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tinalakay na sa pinakahuling cabinet meeting sa Malakanyang.
Vic Somintac