Mataas na presyon, dahilan ng pagkamatay ni Cayamora Maute ayon sa BJMP
Mataas na presyon ng dugo ang isa sa mga itinuturong dahilan ng pagkamatay ng ama ng magkapatid na lider ng Maute terror group na si Cayamora Maute.
Ayon kay BJMP Spokesperson Senior Insp. Xavier Solda, bago siya dalhin sa ospital ay sinabi ng nurse na sumobra ang taas ng presyon ni Maute.
Isinugod pa sa Taguig Pateros Hospital si Cayamora pasado alas-3:00 ng hapon ng linggo, ngunit idineklara na siyang dead on arrival ng doktor.
Bago ito, dumaing na ng hirap sa paghinga at panghihina ng katawan si Maute alas-4:30 pa lang ng madaling araw, kaya tinutukan siya ng jail nurse at sinimulang bigyan ng antibiotics dakong 10:20 ng umaga.
Gayunman, muling nagreklamo ito ng hirap sa paghinga dakong 12:30 ng tanghali kaya isinailalim na siya sa nebulization at sinuportahan na ng oxygen.
Samantala, dahil sa tradisyon ng mga Muslim, agad ding inilibing ang nakatatandang Maute.