Matatag, ligtas at masaganang ASEAN Region ang mensahe ni Pangulong Duterte sa pagtatapos ng 50th anniversary ng ASEAN at foreign ministers meeting sa PICC
Kumpiyansa si Pangulong Rodrigo Duterte na kayang-kayang malagpasan at mapagtagumpayan ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN ang mga bagong kakaharaping pagsubok sa rehiyon.
Ginawa ni Pangulo ang pahayag sa selebrasyon ng 50th ASEAN Foreign Ministers’ Meeting sa Philippine International Convetion Center o PICC sa Pasay City.
Sinabi ni Pangulo napatunayan na ng ASEAN sa nakaraang 50 taon na pagtagumpayan ang mga hamon kaya walang dudang magagawa rin ito sa hinaharap.
Ayon kay Pangulong Duterte pinatunayan din ng ASEAN na ang diversity o pagkakaiba sa kultura, paniniwala at pulitika ay kalakasan sa halip na kahinaan.
Naniniwala ang Pangulo na mas matatag at mas buhay na ngayon ang ASEAN matapos ang maraming taong pagkakaisa at hindi natinag sa mga pagsubok.
Kasabay nito hinikayat ng Pangulo ang mga miyembro ng ASEAN na lalo pang patatagin ang kooperasyon tungo sa pagkamit ng isang komunidad kung saan ang mga mamamayan ay mabubuhay ng malaya sa takot ng karahasan, korupsyon at transnational crimes.
Iginiit din ng Pangulo ang pag-iral ng rule of law at pagrespeto sa kalayaan ng bawat miyembrong bansa kaya sa Pilipinas ay pinasimulan nito ang independent foreign policy.
Ipinaalala rin ni Pangulong Duterte ang pangarap ng ASEAN na magkaroon ng pangmatagalan at pangkalahatang pag-unlad.
Samantala kinilala sa pagdiriwang ng golden anniversary ng ASEAN ang mga natatanging ASEAN na huwaran sa ibat ibang larangan.
Pinarangalan ang mga maituturing na bayani sa larangan ng biodiversity at bawat miyembro ng 10 bansa ng ASEAN ay may tig-isang namumukod tanging biodiversity hero.
Dahil kilala ang mga bansa sa ASEAN na rice producer sa mundo, pinarangalan ang Rice Science and Technology ambassadors ng sampung bansa.
Dahil sa lumalaganap at lumalakas na entreprenuership, 10 kabataan din ang tumanggap ng youth social entreprenuership award.
Naging makabuluhan ang pagdiriwang ng 50th anniversary sa mensahe ibinigay ng lider ng 5 original founders ng ASEAN na sinundan ng iba pang ASEAN leaders.
Dahil wala ang ASEAN leaders ngayon, mga recorded message ang kanilang pinarating.
Pinahanga at pinasaya naman ang mga guest sa PICC plenary hall ng samut saring cultural presentations na sumasalamin sa mayaman at yumayabong na kultura ng ASEAN region.
Isa namang madamdamin pagbabalik tanaw sa 50 taon ng ASEAN at pagkilala sa limang foreign minsiters ng Indonesia, Malaysian, Philippines, Singapore at Thailand na unang nagpulong at nagkasundo limapung taon na ang nakaraan para isulong ang pagkakaisa para sa seguridad ng magkakapitbahay na bansa sa Timog Silangang Asya sa saliw ng awiting “Journey “.
Binigyan din ng plake ang mga kaanak ng limang foreign ministers bilang pagkilala sa founding fathers ng ASEAN ginawaran ni Pangulong Duterte ng Order of Lakandula na may ranggo na Supremo ang mga founding fathers ng ASEAN.
Ulat ni: Vic Somintac