Matatag na suplay ng Covid-19 vaccine sa bansa sa susunod na 6 na buwan, tiniyak ng gobyerno
Tiyak ng gobyerno ang tuluy-tuloy na suplay ng mga bakuna kontra Covid-19 sa susunod na anim na buwan ng taon.
Ayon kina National Task Force (NTF) Against Covid-19 chairperson at Secretary Delfin Lorenzana, at NTF chief implementer at vaccine czar, Secretary Carlito Galvez Jr. ito ay matapos masiguro ang 164 million doses ng bakunang binili ng gobyerno maliban pa sa mga karagdagang doses na donasyon ng Covax facility at iba pang bilateral donation.
Ayon kay Lorenzana, nasa 136. 1 milyong karagdagang doses na delivery ng bakuna ang kanilang hinihintay.
Hanggang nitong July 21, nasa kabuuang 28,485,130 mga bakuna na ang dumating sa bansa kung saan 16 million rito ay binili ng pamahalaan, 2.2 million ay binili ng mga pribadong sektor at LGUs, 10. 2 million ay donasyon ng Covax at 2.1 million doses ay mula sa bilateral donations.
Ang 164 million doses na binili ng gobyerno ay kinabibilangan ng 26 million Sinovac vaccine, 40 million Pfizer-BioNTech doses, 13 million Moderna doses, at 10 million Sputnik V doses.
Ayon kay Galvez, maganda ang tinatakbo ng suplay at delivery ng mga bakuna sa bansa at bagamat may mga nangyaring delay sa mga delivery, nakakapagbakuna na ang mga LGU ng halos 400,000 kada araw.