Mati City Hall of Justice sarado hanggang December 7 matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang kawani
Naka-lockdown ang Mati City Hall of Justice sa Davao Oriental hanggang sa December 7 matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang empleyado.
Sa memorandum mula sa Office of the Court Administrator, nabatid na karamihan sa mga kawani na nasa baba ng Mati City Hall of Justice ay direktang nakasalamuha ng nagpositibong kawani kaya mataas ang kanilang exposure sa virus.
Ang nasabing COVID positive staff ay nag-leave sa trabaho para samahan ang misis nito sa ospital at huling nagreport sa trabaho noong November 17.
Pero noong November 20 ay hinarang ang staff sa checkpoint sa Davao City dahil sa lagnat at ubo, at inatasan na magpa-COVID test.
Lumabas na positibo ito sa virus at agad na dinala sa Quarantine facility.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng Office of the Court Administrator ang Executive Judge ng Mati City Regional Trial Court na magpatupad ng mas mahigpit na health measures sa mga nagtatrabaho sa Hall of Justice at sa mga tahanan
Pinayuhan din na patawan ng disiplina ang mga empleyado na hindi susunod sa mga health protocols.
Tuloy naman ang mga pagdinig sa mga korte sa pamamagitan ng Video Conferencing.
Moira Encina