Maulap na papawirin, asahan sa malaking bahagi ng bansa ngayong Linggo dahil sa ITCZ at Habagat
Dalawang weather system ang umiiral sa buong kapuluan.
Ayon sa PAGASA, Southwest Monsoon o Habagat ang umiiral sa Kanlurang bahagi ng Timugan at Gitnang Luzon habang Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ) naman ang sa Visayas at Mindanao.
Ang mga weather system na ito ang magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan na kasamang pagkulog at pagkidlat sa mga nasabing lugar.
Partikular na makararanas ng maulap na papawirin na may malaking tsansa ng mga pag-ulan dahil sa Habagat ay ang buong Ilocos region, Zambales, Apayao, Batanes at Cagayan province.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ay asahan naman ang maulap na papawirin sa maghapon na may pmga panandaliang pag-ulan.
Wala namang minomonitor ang weather bureau na sama ng panahon na maaaring mabuo sa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility sa susunod na 3 araw.
Ngayong Linggo, asahang papalo ng hanggang 33 degree celsius ang temperatura sa Metro Manila at 37 degrees naman sa Tuguegarao, Cagayan.