Maulap na papawirin iiral sa Palawan, Visayas at Mindanao dahil sa ITCZ; Easterlies naman sa Luzon
Makararanas ng maulap na papawirin, mahina at kung minsan ay malakas na pag-ulan na may kasamang pagkulog ang ilang bahagi ng bansa dahil sa umiiral na Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ).
Ayon sa PAGASA, apektado ng nasabing weather system ang Palawan, at malaking bahagi ng Visayas at Mindanao.
Samantala, sa Luzon at nalalabing bahagi ng bansa ay mainit at maalinsangang panahon pa rin ang mararanasan dahil sa Easterlies.
Ngunit posible ang mga panandaliang pag-ulan sa dakong hapon o gabi sanhi ng thunderstorms.
Inaasahang papalo ng hanggang 39 degree celsius ang temperatura ngayong araw sa Tuguegarao city at hanggang 36 degrees naman sa Metro Manila.
Walang nakataas na gale warning kaya ligtas na pumalaot sa mga karagatan pero pinag-iingat kung mayroong thunderstorm.