Maulap na papawirin na may mahinang pag-ulan, umiiral sa malaking bahagi ng bansa ngayong araw dahil sa LPA
Maulap na papawirin na may paminsang mahinang pag-ulan ang iiral ngayong araw sa malaking bahagi ng bansa dahil sa Low Pressure Area (LPA).
Ayon sa Pag-Asa DOST, apektado ng nasabing weather system ang MIMAROPA, CALABARZON, Bicol Region, Visayas, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, at Caraga.
Huling namataan ang LPA sa layong 70 kilometro, Silangan, Hilagang-Silangang bahagi ng Puerto Princesa city, Palawan.
Apektado rin ng tail-end of a frontal system ang Silangang bahagi ng Southern Luzon.
Samantala, ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora ay magiging maulap rin ang papawirin na may mahinang pag-ulan sanhi naman ng Northeast Monsoon o Amihan na nakakaapekto sa Hilagang Luzon.
Ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Mindanao ay magiging bahagyang maulap ang papawirin na may isolated rainshowers sanhi naman ng localized thunderstorms.