Maulap na papawirin patuloy na iiral sa halos buong kapuluan dahil sa Habagat at ITCZ
Maulap na papawirin ang mararanasan sa halos kapuluan ngayong Lunes dahil sa pag-iral ng Southwest Monsoon o Habagat sa Luzon at Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ) naman sa Visayas at Mindanao.
Ayon sa PAGASA, sa Luzon, kabilang dito ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon kasama ang Palawan at Mindoro.
Maliban sa maulap na papawirin asahan din ang kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog.
Ang nalalabing bahagi naman ng Luzon ay magiging maaliwalas ang papawirin ngunit asahan ang pagkakaroon ng mga isolate thunderstorm.
Bagamat may umiiral na Habagat, asahan pa rin ang mainit na panahon dahil inaasahaang papalo ng hanggang 32 degree celsius ang temperatura sa Metro Manila, 24 degrees naman sa Baguio city at 35 degrees sa Tuguegarao.
Sa Visayas ay asahan ang pinakamataas na temperatura sa Tacloban na aabot hanggang 32 degree celsius habang sa Mindanao ay nasa 33 degrees ang magiging pinakamataas na temperatura sa Zamboanga Peninsula.
Ligtas namang pumalaot ang mga sasakyang pandagat dahil walang nakataas na Gale warning pero pinag-iingat din dahil magiging katamtaman hanggang sa maalon ang mga karagatan.