May-ari ng Dialysis center na binigyan ng pondo ng Philhealth para sa Covid-19, iimbestigahan ng Senado
Tutugisin na rin ng Senado ang may-ari ng isang Dialysis Center na nabigyan ng pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) sa ilalim ng Interim Reimbursement Mechanism o Cash advance program.
Tinukoy ni Senate President Vicente Sotto III ang B. Braun Avitum Dialysis center na binigyan ng 45 million pesos.
Sinabi ni Sotto na inatasan na na ang Senate secretariat na alamin sino ang may-ari ng nasabing dialysis center na nakadeklarang may limang Dialysis center para dumalo sa susunod na pagdinig.
Dalawa sa branch nito ay sa Quezon City at isa sa Tondo, Maynila.
Kinuwestyon ni Sotto kung paano sila nakapanggamot ng Covid patients samantalang wala silang isolation area o kama kaya imposibleng makapag pa-confine ng sinumang covid patient.
Nauna nang sinabi ni Senador Panfilo Lacson na isang lingo lang ang nakalipas at nakakuha na ng 45 million ang naturang dialysis center samantalang ang Ospital ng Maynila na matagal nang nagre-request ng reimbursement sa Philhealth ay hindi pa rin nabayaran.
Ulat ni Meanne Corvera