May-ari ng local tobacco firm na Mighty Corporation at kapatid nito, inilagay na sa Immigration Lookout Bulletin ng DOJ
Nagpalabas na ang DOJ ng immigration lookout bulletin order laban sa may-ari ng local tobacco company na Mighty Corporation at sa kapatid nito dahil sa alegasyon na sangkot ito sa smuggling at economic sabotage.
Sa memorandum ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, inatasan nito ang Bureau of Immigration na ipagbigay -alam sa kanyang tanggapan o sa prosecutor general kung magtatangkang umalis ng bansa sina Alexander Dy Wongchuking at kapatid niya na si Caesar Dy Wongchuking.
Ang Mighty Corporation ay nahaharap sa alegasyon ng paggamit ng pekeng BIR tax stamps kaya iniutos ni Pangulong Duterte sa pag-aresto kina Wongchuking.
Una nang nakipag-pulong ang nasabing negosyante kina Aguirre at NBI Director Dante Gierran noong Martes kung saan inihayag nito na handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon.
Sinabi ni Aguirre na hindi nila maaring arestuhin ang Mighty Corp.owner kaagad dahil walang nakabinbing kaso laban dito bagamat may direkta ng utos mula sa Pangulo na arestuhin ito.
Ulat ni: Moira Encina