May-ari ng lumubog na barkong MT/Princess Impress sa Oriental Mindoro dapat habulin at panagutin ayon sa isang Kongresista
Kailangang mapanagot ng pamahalaan ang may-ari ng MT/Princess Empress na lumubog sa Oriental Mindoro at ngayo’y nagdudulot ng malawakang oil spill sa karagatan.
Sinabi ni Agri Partylist Representative Wilbert Lee, hindi dapat palagpasin ng gobyerno ang kapabayaan ng may-ari ng lumubog na barko dahil mahahalagang protected areas ang nasa panganib dahil sa oil spill.
Ayon kay Lee kailangang mahabol ng gobyerno ang mga may-ari ng naturang barko para sa containment, clean-up, at rehabilitation ng mga maaapektuhang lugar.
Kasabay nito umapela ang Kongresista sa pamahalaan na maglaan ng sapat na ayuda o pansamantalang trabaho para sa mga mangingisda sa Mindoro at sa iba pang lalawigan na nakapalibot sa kontaminadong dagat.
Inihayag ni Lee sa panahon na pahirap nang pahirap ang buhay gutom ang aabutin ng pamilya ng mga mangingisda kung hindi sila makakapag-trabaho.
Batay sa assessment ng Department of Environment and Natural Resources o DENR ang oil spill ay maaaring makaapekto sa 21 marine protected areas.
Vic Somintac