May impormasyon na MV Pacific Ana ang pinaghihinalaang nakabangga sa fishing boat Dearyn
Sumulat na ang Philippine Coast Guard sa gobyerno ng marshall islands para ipaalam ang pagkamatay ng 3 mangingisdang pinoy sa 180 nautical miles ng Agno Pangasinan.
Ayon kay PCG commandant Admiral Artemio Abu, ito ay para malaman ang mga impormasyon patungkol sa MV Pacific Ana, ang pinaghihinalaang nakabangga sa fishing boat Dearyn.
Bukod rito ay sumulat na rin aniya sila sa Port State Control ng Singapore kung saan inaasahang dadaong ang MV Pacific Ana.
Ito ay para mainspeksyon ang oil tanker pagdating nito sa pantalan para makita kung may mga tama ang bahagi ng barko dahil sa pagkakabangga.
Nilinaw ng PCG na hindi naman nila itinuturo ang Pacific Ana, pero batay sa satellite monitoring ay ito ang nakita nilang dumaan sa nasabing lokasyon sa kaparehong oras.
Sinabi ni Abu na may 2 PCG officials na rin sa Singapore na nakaabang sa pagdating ng tanker.
Nagsasagawa na rin aniya ng marine casualty investigation ang PCG kaugnay ng insidente.
Ngayong hapon ay inaasahang darating sa punong tanggapan ng PCG sa Maynila ang ilan sa mangingisdang survivor para personal na makuhanan ng panayam ng Coast Guard kaugnay ng nangyaring insidente.
Madelyn Moratillo