May nagbago ba sa sistema ng politika?
Mga ka-isyu , magandang araw sa inyong lahat ! Mahigit 20 araw na lamang ang natitirang araw bago ang pagboto sa Mayo a nueve.
Alam n’yo naman ang politika dito sa atin , sa halip na plataporma o plano at programa ang ilantad sa taumbayan sa kanilang pangangampanya, ang nangyayari ay siraan ng siraan.
Kani-kaniyang batuhan ng bahong itinatago.
Totoong hindi perpekto ang tao partikular ang mga politiko.
Lahat ay may itinatagong skeleton sa kanilang closet.
Kani-kaniyang bungkal sa mga di kanais-nais na pangyayari sa buhay ng kanilang mga katunggali.
‘Yung maruming uri ng pamumulitika, personalan sa halip na ang i-presenta ay plataporma wala nang ginawa kundi ang magsiraan.
Talagang sa tuwing eleksyon, ang gustong palutangin ng mga politiko ay kung paano mailalantad ang baho ng iba .
Pamilyar ang usapan na …. si ganitong politiko o si Mayor ay sumuporta na kay ganito, di ba magkaaway sila?
Naku! Talagang sa politika , walang permanenteng kaibigan , walang permanenteng kaaway.
Ang nananatiling permanente ay ang interes.
Sinasabing paglilingkod sa bayan, ang tagal nang nakaupo, kawawa pa rin ang bayan.
Ang dami kayang re-electionist. Ang Pangulo o Presidente lang naman ang walang karapatan na tumakbo for reelection ayon na rin sa batas.
Pero, ang posisyon na pagka senador ay anim na taon with one re-election.
‘Yung iba nag-congressman o congresswoman, pero, ngayon ay tumatakbong senador naman.
Kung noong unang pagkandidato tapos ay nahalal at nangako na gagawa para sa bayan, may nangyari ba?
Isa sa mga direktang nakikisalamuha sa mga constituent ay mga Mayor, hindi ba?
Alkalde ang nilalapitan ng mga tao.
Mabanggit ko lang, bago ako naging broadcaster ay nakapagtrabaho ako sa lokal na gobyerno ng Lingayen sa Pangasinan.
Doon nakita ko na ang mga constituent ay talagang pumupunta sa Mayor para humingi ng pambili ng gamot , kinukuha na mag ninong sa kasal ng anak at kung ano-ano pa.
Hindi maiiwasan na bumunot sa sariling bulsa.
Hindi nakakaiwas sa KBL, kasal, binyag at libing.
Mahirap kung sa sariling bulsa laging manggagaling hindi ba?
Totoo ba ang sabi ng iba na ang jueteng daw kaya hindi maalis-alis sa mga probinsya ay dahil sa ito ang ginagawang palabigasan ?
Samantala, dahil sa natulungan ang ating mga kababayan kapag lumapit si Mayor o kung sinomang politiko na nagbigay -tulong, hindi makatatanggi kapag nagrequest ika nga .
Lalo pa nga’t sasabihin na, sana ay huwag ninyo akong kalilimutan sa muli kong pagtakbo.
Hay naku, ‘yan ang sistema ng politika dito sa bansa.
Hanggang sa susunod na ulit mga ka-isyu!