May pera sa pagha-hydroponic
Magandang araw mga kapitbahay!
Kayo ba ay nag-iisip ng puwedeng mapagkakakitaan?
Pandagdag man lang sa gastusin ng pamilya.
O baka makatulong itong ibabahagi namin sa inyo.
Siya ay naging guest natin sa programang Kapitbahay kamakailan, si Mr. Arcie King Macapagal, isang hydroponic farmer.
Dati siyang konduktor ng bus, masahista at grab driver.
Nuong pandemic, isa siya sa nawalan ng trabaho, walang pinagkakakitaan.
Tuloy ang gastos, wala namang income.
Problema dahil may pamilya na dapat ay alagaan at tustusan ang mga
pangangailangan.
Ang kaniyang bayaw ang nakapagsabi kay Arcie ng tungkol sa hydroponic.
Ang ginawa niya nanuod sa You Tube, sumali sa fb group hanggang sa nakilala ang nagmentor sa kaniya tungkol sa hydroponics.
Ngayon ay siya na ang nagmementor, nagtuturo sa mga paaralan at mga barangay ukol sa hydroponic.
Sa gilid at harap ng bahay ay may tanim siyang kalamansi, lettuce, talong, sili, strawberry, sibuyas, kangkong, pechay.
Hindi ba malaki ang tipid dahil hindi na siya bumibili nito?
Sabi ni Arcie, hindi mo kailangan ang malaking espasyo para sa pagsisimula dahil puwedeng ilagay sa mga container.
Kailangan itong naaarawan, ang required ay walong oras bagaman
sa kaniyang karanasan, halos apat na oras lamang niya napapaarawan ang kaniyang mga tanim ay lumago naman ang mga ito.
Totoo aniya na may kamahalan ang hydroponic farming, pero sa unang beses lamang naman ito dahil lifetime use naman ang mga gamit.
Sabi ni Arcie, meron namang paraan para maging mura ang mga materyales na gagamitin gaya ng kahon o yung crate, na puwedeng makuha sa palengke.
Ito ‘yung pinaglagyan ng prutas o gulay.
‘Yun namang styro cups ay puwedeng mamulot o makuha sa convenient stores, linisin na lamang para hindi ka na bumili.
Maaaring gamitin ang plastic bottle ng softdrinks.
Nutrient solution and seeds ay hindi naman ganoon kamahal para sa iyong pagsisimula.
Maraming DIY na puwedeng gamitin sa pagtataniman.
Kung may tabla, ihugis ito na kuwadrado, lagyan ng plastic, takpan ng styro, may taniman ka na.
Five hundred pesos , ‘yan ang pera ni Arcie nang magsimula ng hydroponic farming.
Nang makagpatubo o makapag-ani ay namigay siya agad sa mga kapitbahay.
Nakita niya ang potensyal ng hydroponic para maging source of income kaya, unti-unti ay napalago na niya ito at dito na siya namuhunan.
Pinakamadaling itanim sabi niya ay pechay dahil hindi maselan.
Panghuli, binanggit ni Arcie na hindi kailangang maging ‘green thumb‘ para makapagpatubo ng gulay o prutas o mapalago ang tanim batay na rin sa kaniyang karanasan.
Kailangan ay subukan muna bago magdahilan.
O ayan mga kapitbahay, sana ay makatulong ang ibinahaging ito sa atin ni Mr. Arcie King Macapagal, hanggang sa susunod!