May sintomas ng COVID- 19 maaari paring bumoto – Comelec
Tiniyak ng Commission on Elections na kahit may sintomas ng COVID- 19 ay pwede paring makaboto sa May 9 National and Local Elections.
Ito ang tiniyak ni Comelec Comm George Garcia sa gitna ng panawagan ng Department of Health sa publiko na kapag nakaramdam ng sintomas ng virus ay huwag ng pumunta sa voting centers para maiwasan umano ang hawahan ng COVID-19.
Ayon kay Garcia, maglalagay naman sila ng special polling places kung saan pwedeng bumoto ang mga makikitaan ng sintomas ng virus.
Bago makapasok sa mga presinto titingnan din daw ang body temperature at ang mas mataas sa 37 ang temperatura itatabi muna at kung talagang mataas parin ang temperatura ay dadalhin sila sa nasabing special polling place kung saan sila boboto .
Sinabi pa ni Garcia, maglalagay rin sila ng health desk sa mga polling center para matiyak na makasusunod ang lahat sa health protocol.
Nilinaw naman ni Garcia na sa ngayon, hindi pa napagdedesisyunan ng Comelec en banc kung isasama ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa mga dahilan para ipagpaliban ang halalan sa isang lugar.
Batay kasi aniya sa Omnibus Election Code, pwede lang i-postpone ang eleksyon sakaling magkaroon ng force majeure, masira ang mga election paraphernalia, o kaguluhan.
Tiniyak naman ng opisyal na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa DOH para sa mga kailangan pang ipatupad na health protocol.
Madelyn Villar – Moratillo