Mayayamang bansa, hinimok ng Britanya na bahaginan ng bakuna ang mahihirap na mga bansa
UNITED NATIONS, United States (AFP) – Pinadalhan ng Britanya ng isang draft resolution ang mga miembro ng United Nation o UN Security Council, na nananawagan sa mayayamang mga bansa na mag-donate ng doses ng COVID-19 vaccine sa mas mahihirap na mga bansa, at mga bansang winasak ng giyera.
Sa resolusyon na isinumite ng Britanya sa 14 na iba pang miembro ng Security Council, ay binibigyang-ddin ang pangangailangan ng pagkakaisa, pagkakapantay-pantay, at pagiging epektibo at humihingi ng donasyon ng bakuna mula sa mauunlad na mga bansa, para sa low at middle-income countries at iba pang mga bansang nangangailangan.
Ang draft resolution ay inanunsyo ng Foreign Secretary na si Dominic Raab sa ginanap na sesyon ng Security Council, at tinaya na nasa 160 milyong katao sa buong mundo ang naninirahan sa isang conflict zone o “unstable circumstances,” na naglalagay sa kanila sa panganib na hindi makatanggap ng bakuna.
Ang resolusyon ay nananawagan para sa pagpapalakas ng “national and multilateral approaches” at kooperasyon ng iba’t-ibang mga bansa, upang mapadali at maging pantay ang access sa COVID-19 vaccines kahit sa “armed conflict situations.”
Nananawagan din ito sa lahat ng sangkot sa armed conflicts na agad na makilahok sa isang matibay, malawak at matagal na paghinto ng mga labanan, para makapaglunsad ng pagbabakuna sa armed conflict areas.
Tinatawagan nito si UN Secretary-General Antonio Guterres, na tinuligsa ang malawakan at hindi patas na distribusyon ng mga bakuna sa buong mundo, na kung kinakailangan at hanggat maaari na kada 90 araw, ay gumawa ng pag-uulat sa implementasyon ng nabanggit na resolusyon, partikular sa kabuuang pagtaya sa mga hadlang para matugunan ang pandemya, kabilang na ang vaccination programme sa mga bansang may armed conflicts at nakararanas ng complex humanitarian emergencies.
Nitong nakalipas na taon, ay inabot ng tatlong buwan ang Security Council para ipatupad ang kaisa-isa at tanging solusyon sa pandemya, na nananawagan sa magkakalabang paksyon na itigil ang kanilang operasyon para bigyang daan ang distribusyon ng mga bakuna.
Umaasa ang Britanya na ang resolusyon ay gagamitin sa mga susunod na linggo.
Gayunman, maaaring mahirapang kumbinsihin dito ang Russia matapos nitong ipahayag na ang isyu sa mga bakuna ay hindi na saklaw ng Security Council.
© Agence France-Presse