Maynilad at Manila Waters pinaghahanda sa epekto ng El Niño
Ipinatitiyak ng isang mambabatas sa Maynilad at Manila Water na nakalatag ang mga hakbang para matiyak ang sapat na supply ng tubig sa kanilang mga consumers sa National Capital Region (NCR) ngayong tag-init.
Sinabi ni Congressman Marvin Rillo, vice chairman ng House Committee on Metro Manila Development na dapat nakahanda ang dalawang water concessionaire sa epekto ng El Niño phenomenon.
Hindi na aniya dapat maulit ang naranasang water crisis noong 2019 lalo na sa Metro Manila at mga kalapit probinsya.
Sa babala ng state-weather bureau na PAGASA, magsisimulang maranasan ang epekto ng tagtuyot sa bansa sa mga buwan ng Hulyo, Agosto at Setyembre, hanggang sa taong 2024.
Sa monitoring ng PAGASA, bumaba na ang water level sa Angat Dam na pinanggagalingan ng 90% ng water supply ng Metro Manila.
Bukod sa nagbabantang tagtuyot, binigyang-diin ni Rillo na tumataas din ang demand ng tubig dahil sa patuloy na paglobo ng populasyon ng bansa.
Vic Somintac