Mayon Volcano bahagyang kumalma, pero paglabas ng lava tuloy pa rin – PHIVOLCS
Bahagyang humina o kumonti ang naitalang aktibidad ng bulkang Mayon sa nakalipas na 24 oras.
Sinabi ni Director Teresito Bacolcol ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), mula alas-singko ng madaling araw kahapon, June 12 hanggang kaninang umaga, June 13, isang volcanic earthquake lamang ang naitala sa Mayon.
Taliwas ito sa nasa 21 volcanic earthquakes na naitala sa pagitan ng June 11 to June 12.
Isang pyroclastic density current (PDC) incident lang din ang naitala kaninang umaga.
Nabawasan din ang rockfall events mula sa 260 rockfall events noong June 11 to 12 sa 221 mula kahapon, June 12 hanggang ngayong June 13.
Pahayag ni Director Bacolcol sa panayam ng NET25 TV/Radyo program na Sa Ganang Mamamayan (SGM), “Humihina, kumokonti yung bulkan natin, kasi yung low frequency volcanic earthquakes kasi nag-signify yan ng pagdaloy ng magma sa taas ng volcanic bed, pag marami tayong volcanic earthquakes ibig sabihin mabilis ang pagdaloy ng magma sa volcanic bed, kahapon isa na lang yung nai-record natin, hopefully magiging ganito na ito IN the next few days or few weeks.”
Nabawasan na rin ang sulfur dioxide emission ng Mayon mula sa 1,205 tons/day sa 650 tons/day noong weekend.
Gayunman, bahagya itong tumaas sa 723 tons/day nitong June 12.
Paliwanag ni Bacolco, “Yung sulfur dioxide natin sana hindi na tumaas pa or hindi magkaroon ng abrupt increase. Ang problema kasi kapag biglang tumaas o biglang bumaba significantly, kasi baka bumaba siya ibig sabihin nabarahan hindi makakalabas, kapag nabarahan yung sulfur dioxide natin and there’s sudden release of volcanic ash ito ay makapag-produce ng explosive eruption.”
Sa ngayon ay umabot na sa isang kilometro ang lava flow mula sa summit ng bulkan.
Kung magtu-tuloy at bibilis, sinabi ni Bacolcol na maaaring lumagpas sa 6-kilometer permanent danger zone ang lava flow.
Effusive eruption ang tawag dito ng PHIVOLCS, na posibleng tumagal pa ng ilang linggo o ilang buwan.
Aniya, “Very slow moving, again sana ganito rin ang mangyari, technically may eruption na, we call this effusive eruption, which is characterized by slow release of ash and volcanic gasses as compared to volcanic explosive eruptions.”
Dagdag pa ng PHIVOLCS chief, “Mas maganda na lumalabas ang lava slowly but the bad side kung ganito lang mangyayari, we are in for a long fold, It would probably take a few months kagaya nung nangyari sa 2014 eruption, it was a effusive eruption and it took fromAugust to November 2014, now kung explosive eruption naman the activity will last a few days, a few weeks, but then we have to raise it to alert level 5 (mas mapanganib) that’s right.”
Sa average explosion ay nasa 70 million cubic meters ng volcanic materials ang inilalabas ng Bulkang Mayon.
Noong 2018 eruptions ay nakapagtala ito ng 77 million cubic meters ng volcanic materials.
Sinabi ni Director Bacolcol na sa ngayon ay konti pa ang nailabas na volcanic debris ng Mayon at magsisimula pa lamang ang PHIVOLCS na kalkulahin ang materyal na nailabas ng bulkan.
Weng dela Fuente