Mayon Volcano nagbuga ng mas maraming sulfur dioxide – PHIVOLCS
Patuloy na nagbuga ng mas maraming sulfur dioxide ang Bulkang Mayon sa nakalipas na 24 na oras.
Sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, nagbuga ng nasa 1,558 tonelada kada araw ng sulfur dioxide ang Mayon nitong Lunes, July 3.
Naitala rin ang 257 rockfall events at anim na dome collapse pyroclastic density current events at isang volcanic earthquake.
Nagkaroon din ng isang lava front collapse pyroclastic density current events habang patuloy ang mabagal na pagdaloy ng lava mula sa bunganga ng bulkan.
Umabot na ang haba ng dumadaloy na lava sa 2.8 kilometro sa Mi-isi Gully at 1.3 kilometro sa bahagi ng Bonga Gully.
Nagkaroon din ng pagguho ng lava hanggang sa 3.3 kilometro at 4 na kilometro sa Basud Gully.
Nananatili pa ring nakataas ang Alert Level 3 sa paligid ng bulkan dahil sa patuloy na mataas na antas ng aktibidad at posibilidad ng mapanganib na pagputok ng bulkan sa mga susunod na araw.
Weng dela Fuente