Mayon Volcano nakapagtala ng mas maraming aktibidad
Naobserbahan ang mas mataas na aktibidad ng Bulkang Mayon sa Albay sa nakalipas na 24-oras.
Sa inilabas na bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, naitala ang 304 volcanic earthquakes at 137 rockfall events sa Bulkan.
Sinabi ng PHIVOLCS na mas marami sa ipinakitang aktibidad ng bulkan ang mahina at mababaw na low-frequency volcanic earthquakes na kaugnay ng tahimik at mabilis na paglabas ng volcanic gas mula sa summit crater.
Nakapag-record din ang Mayon Volcano Network ng 3 pyroclastic density current o PDCs at 30 ashing events ng maiitim na plumes.
Patuloy pa rin ang mabagal na pagdaloy ng lava na may habang 2.8 kilometers sa Mi-isi Gully, 2.4 kilometers naman sa Bonga Gully at 600 metro sa Basud Gully.
Umabot naman na sa apat na kilometro ang pagguho ng lava sa Basud Gully mula sa crater.
Nagbuga naman ng nasa 1,495 tonnes per day ang bulkan nitong July 18 at katamtamang pagsingaw na umabot sa 1,200 meters ang taas na napadpad sa timog-kanluran.
Patuloy pa ring nakataas ang alert level 3 sa paligid ng Mayon na nagbabadya ng mas mapanganib na pagsabog ng Bulkan.
Paalala pa rin ng PHIVOLCS ang mahigpit na pagbabawal sa pagpasok sa 6-kilometer permanent danger zone sa paligid ng Mayon.
Weng dela Fuente