Mayor Sara Duterte hindi raw susuportahan ng commuter groups sakaling tumakbo sa presidential elections
Wala umanong makukuhang suporta mula sa hanay ng mga commuter si Davao City Mayor Sara Duterte sakaling naisin nitong tumakbo sa pagka-pangulo sa darating na halalan.
Ayon kay National Center for Commuter Safety Protection Chairperson Elvira Medina, tapos na ang bansa sa panahon na ang lider nito ay palamura at palahamon.
Giit ni Medina, sa ilalim ng Duterte Administration ay kalbaryo ang inabot ng mga commuter matapos ipagbawal na makabiyahe ang provincial buses sa Metro Manila.
Tiyak aniya na susundan rin ni Mayor Sara ang naging yapak ng ama nito.
Matatandaan na si Mayor Sara ay nanuntok noon ng isang sheriff sa Davao matapos magkaroon ng kaguluhan sa isang demolisyon.
Naniniwala si Medina na sa oras na matapos na ang Duterte Administration ay muling aangat ang Pilipinas.
Ang kailangan aniya ng bansa ay isang lider na may respeto sa batas at hindi iyong nasasangkot pa sa mga patayan.
Matatandaang ang Pangulong Duterte ay isinasangkot sa extra-judicial killings.
Madelyn Moratillo