Mayorya ng botante naghahanap ng kandidato na makapagpapatuloy sa polisiya ng kasalukuyang admin–survey firm
Si presidential aspirant at Vice-President Leni Robredo ang nakakakuha ng pinakamataas na disapproval at low trust ratings sa limang pangunahing opisyal ng gobyerno.
Sa PAHAYAG 2022 First Quarter Survey ng Publicus Asia na isinagawa sa pagitan ng March 30 at April 6, 42. 2% ng respondents ang nagsabing ‘disapprove’ o ‘strongly disapprove’ sila sa performance ni Robredo sa nakalipas na 12 buwan.
Halos kalahati din o 48.2% ng respondents ay wala o mababa ang tiwala kay Robredo.
Ayon kay Aureli Sinsuat, Executive Director ng PUBLiCUS, ang mababang approval at trust ratings ni Robredo ay maaaring dahil sa kanyang branding bilang lider ng oposisyon.
Ipinunto ng opisyal na ang 42.9% ng respondents na nagsabing sila ay ‘mildly’ o ‘strongly anti-opposition’ ay halos pareho sa 42% disapproval at 48% low trust rating ng VP.
Kaugnay nito, sinabi ni Sinsuat na batay sa datos ay malupit o ‘harsh’ ang electoral climate para sa mga pambato ng oposisyon sa darating na eleksyon.
Aniya karamihan kasi ng mga botante ay mas naghahanap ng kandidato na magpapatuloy at hindi kukontra sa mga programa ni Pangulong Rodrigo Duterte na may mataas na approval at trust ratings.
Moira Encina