MECQ sa San Jose del Monte extended
Batay sa IATF-EID Resolution No. 113, Series of 2021 at Executive Order No. 12, Series of 2021 na inilabas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, kaugnay sa extension ng Modified Enhanced Community (MECQ) simula May 1 hanggang May 14, 2021 ay mahigpit na ipatutupad ang Strict Home Quarantine o pananatili lamang ng lahat sa loob ng tahanan.
Tanging ang mga indibidwal na kabilang sa Authorized Persons Outside of Residence o APOR, ang papayang lumabas para bumili ng pangunahing pangangailangan.
Patuloy pa ring ipatutupad ang curfew hours simula 8:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga, ngunit hindi nito saklaw ang mga nagtatrabaho, nasa pampublikong transportasyon, at cargo vehicles.
Bawal pa ring lumabas ng bahay ang mga kabataan edad 18 pababa at mga senior citizen na may 65 taong gulang pataas, gayundin ang mga indibidwal na may kasalukuyang problema sa kalusugan o karamdaman, maliban na lamang kung kinakailangang bumili ng pangunahing pangangailangan gaya ng gamot.
Patuloy ding ipatutupad ang liquor ban.
Samantala, pinahihintulutan na ang mga individual outdoor exercise gaya ng walking, jogging, running, biking ngunit sa lugar lamang ng tirahan o barangay.
Magpapatuloy ang operasyon ng pampublikong transportasyon na mayroon lamang 50% na kapasidad.
Pahihintulutan naman ang dine-in sa food establishments, ngunit limitado lamang ito sa 10% ng kapasidad. Hinihikayat pa rin ang pagtangkilik sa Take-out at Delivery.
Pinapayagan ang pagbabalik-operasyon ng beauty salons, beauty parlors, barber shops, at nail spas ngunit limitado lamang sa 30% ng kapasidad.
Mahigpit na ipagbabawal ang operasyon ng mga establisyemento na may kaugnayan sa paglilibang, maging ang mass gatherings o hindi awtorisadong pagtitipon.
Pinahihintulutan naman ang church activity ngunit mahigpit na ipatutupad ang 30% na kapasidad.
Pinapayagan din ang mga burol at libing ngunit limitado lamang sa mga malapit na miyembro ng pamilya ang maaaring dumalo.
Hinihikayat pa rin ang publiko na sumunod sa ipinatutupad na Minimum Health Standards o ang wastong paghuhugas ng kamay, tamang pagsusuot ng face mask at face shield, pagsunod sa physical distancing at pag-iwas sa mga matataong lugar.
Ulat ni Cez Rodil