Med rep inaresto dahil sa tangkang paggamit ng mga nakaw at pinekeng tseke sa San Fernando City
Hinuli ng mga tauhan ng NBI- Central Luzon Regional Office ang babaeng medical representative dahil sa sinasabing pagkakaroon at tangkang paggamit ng 16 na nakaw at pinekeng tseke sa San Fernando City, Pampanga.
Kinilala ng NBI ang suspek na si Eloisa F. Mendoza na med rep ng Genace Pharma Distributor.
Ayon sa NBI, ikinasa ang entrapment operation matapos maghain ng reklamo ang may-ari ng tseke.
Batay sa complainant, balak ni Mendoza na gamitin ang nakaw o falsified checks para bayaran ang Genace Pharma Distributor ng halagang Php 417,471.
Inaresto ang suspek sa isang food center sa Brgy. Dolores sa San Fernando City, Pampanga matapos na subukang ipambayad ang mga tseke sa employer nito na Genace.
Isinalang na sa inquest proceedings sa piskalya si Mendoza kung saan ipinagharap ito ng NBI ng mga reklamong illegal possession and use of false treasury o bank notes at use of falsified documents.
Moira Encina