Medical group umapila na huwag gamitin sa pamumulitika ang Covid-19
Huwag gamitin ang COVID-19 sa pamumulitika….
Ito ang babala ng Medical Action Group kay House Speaker Lord Allan Velasco kasunod ng plano nitong mass vaccination sa mga kongresista at empleyado ng Kamara sa oras na magkaroon na ng bakuna para sa COVID-19.
Pangamba ni Medical Action Group Chairperson Dr. Nemuel Fajutagana, baka magkaroon ng disenfranchisement o hindi mabigyan ng bakuna ang mga dapat ay tatanggap nito.
Kaya apila ng grupo sa gobyerno magkaroon ng transparency sa pamamahagi ng COVID 19 at hindi iayon ito sa kagustuhan ng ilang mambabatas.
Nilinaw ng grupo na pabor sila sa planong distribution ng bakuna ng Department of Health (DOH) ngunit ang malaking isyu ay kung paano ito mapoprotektahan lalo na at limitado lamang ang suplay nito.
Nagbabala din ang grupo laban sa paggamit ng mga mambabatas sa bakuna para bumango ang kanilang pangalan para sa 2022 election.
Ang pangako ni Velasco na uunahin ang mga mambabatas at empleyado na makatanggap ng Covid vaccine ay sa harap na rin ng paglobo ng COVID cases sa Kamara na umabot sa 98 kaso nito lamang buwan ng Nobyembre.
Madz Moratillo