Medical marijuana bill aprubado na sa Kamara
Lusot na sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Kamara ang panukala para gawing legal ang paggamit ng marijuana bilang gamot.
Sa botong 163 Yes, 5 No at 3 abstention inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill 6517.
Sa ilalim ng panukala ipinag uutos ang pagpatayo ng Medical Cannabis Compassionate Centers sa ilalim ng Department of Health.
Dito maaaring makabili ng marijuana ang mga kuwalipikadong pasyente na bibigyan ng identification card.
Para matukoy kung kwalipikado ang pasyente, kailangan munang may pagpapatunay ang isang doctor na may malubhang karamdaman ang pasyente na nangangailangan ng marijuana sa gamutan.
Magtatayo rin ng Medical Cannabis Research and Safety Compliance Facilities.
Ang DOH ang pangunahing ahensiya na mangangasiwa sa pamamahagi ng medical cannabis, katuwang ang Food and Drug Administration.
Bahala naman ang PDEA na magbantay at tiyakin ang wastong pagbibigay ng medical marijuana sa mga pagamutan.
Ulat ni Madelyn Villar Moratillo