Medico Legal Officer ng Southern Police District Crime Laboratory at mga kasamahan ng flight attendant na si Christine Dacera, sinampahan ng reklamo ng NBI sa DOJ
Labing-isang indibidwal ang ipinagharap ng mga reklamo ng NBI sa DOJ kaugnay sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.
Kabilang sa inireklamo sa DOJ si Southern Police District Medico Legal Officer Police Major Michael Nick Sarmiento.
Si Sarmiento na nagsagawa ng autopsy sa bangkay ni Dacera ay sinampahan ng reklamong Falsification of an Official Document by a Public Officer sa ilalim ng Article 171 ng Revised Penal Code.
Reklamong obstruction of justice naman ang isinampa ng NBI laban sa mga kasama ni Dacera sa loob ng hotel room sa Makati City.
Ang mga ito ay sina Mark Anthony Rosales, John Pascual Dela Serna III, Darwin Joseph Macalla, Gregorio Angelo Rafael De Guzman, Jezreel Rapinan, Alain Chen, Reymar Englis, at Rommel Galido.
Pati ang abogadong si Neptali Maroto ay ipinagharap ng reklamong obstruction of justice.
Inirekomenda rin na kasuhan ng administering illegal drugs si Rosales sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act
Inireklamo din si Rosales at Galido ng attempt to deliver or give away to another illegal drugs.
Nahaharap din sa reklamong perjury sina Galido, Dela Serna at Macalla.
Nakitaan din ng NBI ng ebidensya para sampahan ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide sina Dela Serna, Rapinan, Chen at Louie de Lima.
Matatandaan na sa medico-legal report ng PNP Crime Laboratory na isinumite sa piskalya ng Makati City, sinabi na hindi homicide kundi ruptured aortic aneurysm o natural death ang sanhi ng pagkamatay ni Dacera.
Si Dacera ay natagpuang walang malay sa bathtub ng isang hotel room sa City Garden Grand Hotel sa Makati noong Bagong Taon.
Moira Encina