Mega Quarantine Facility sa Metro Manila, binuksan na
Binuksan na ang pinakamalaking mega quarantine facility sa Metro Manila na nasa Parañaque City.
Ang quarantine facility na ito ay mayroong 525 bed capacity.
Ayon kay DPWH Secretary at isolation czar Mark Villar, sa pamamagitan ng bagong bukas na quarantine center na ito ay umaasa silang mahihikayat ang mga mild at asymptomatic covid patients na nasa Metro Manila at kalapit lalawigan na magpa-isolate sa labas ng kanilang bahay.
Kasunod ng patuloy na pagtaas ng naitatalang covid cases sa Metro Manila ay mas pinalalakas pa ng pamahalaan ang isolation capacity ng bansa.
Ayon kay DPWH Undersecretary Emil Sadain, nasa 603 isolation at quarantine facilities na nasa ibat ibang lugar sa bansa para sa COVID-19 patients ang kanilang tinatrabaho ngayon.
Bukod rito ay nagtatayo rin aniya ang DPWH ng mga off-site dormitories para naman sa mga medical frontliners.
Nagpasalamat naman si Villar sa malaking tulong ng mga nasa pribadong sektor sa pamahalaan sa pagtatayo ng mga karagdagang isolation facilities.
Madz Moratillo