Melbourne, nag-extend ng lockdown dahil sa pagkalat ng “Kappa” variant ng COVID-19
MELBOURNE, Australia (AFP)- Pinalawig ng Melbourne ng isang linggo pa ang umiiral na lockdown, dahil sa mabilis na pagkalat ng isang strain ng COVID-19 na tinawag nilang “absolute beast.”
Limang milyong residente ang umaasang matatapos na ang pitong araw na lockdown bago maghatinggabi bukas, Huwebes, subalit naudlot ito dahil sa pagkalat ng “Kappa” variant, na nanggaling sa India.
Ayon kay James Merlino, acting state Premier ng Victoria . . . “We’ve got to run this thing to ground otherwise people will die. This strain of the virus is quicker and more contagious than we have ever seen before.”
Sinisikap ng Australia na mapigilang dumami pa ang isang cluster ng 60 kaso, sa ikalawang pinakamalaking siyudad sa bansa, at manatiling isa sa iilang bansa sa mundo na walang endemic transmission.
Ang border ay namamalaging sarado sa karamihan ng mga biyahero – matangi sa New Zealand – at agad na nagpatupad ang mga awtoridad ng restriksiyon nang ma-detect ang COVID-19 cases.
Sinabi ni Merlino na malamang na alisin na bukas, Huwebes, ang stay-at-home orders para sa mga Victorian na naninirahan sa labas ng Melbourne, bagama’t may mga restriksiyon pa ring mananatili gaya ng limitadong bilang ng wedding guests at mga dadalo sa lamayan.
Aniya, hindi papayagan ang mga residente ng Melbourne na bumiyahe sa labas ng siyudad, ngunit ang senior school students ay babalik na sa eskuwela, at ilang outdoor workers ang makababalik na rin sa kanilang trabaho.
Tinawag namang “absolute beast” ni Brett Sutton, chief health officer ng Victoria ang Kappa variant.
Aniya . . . “There are a dozen countries that had no community transmission going into 2021 that have now lost control, that have community transmission and will probably not bring it back to a point where they’ve got no community transmission again.”
Libu-libong close contacts ang natukoy, at ang talaan ng exposure sites ay dumami pa kung saan nasa mga 350 na ito.
Pinaniniwalaan na ito na ang ika-17 ulit sa loob ng anim na buwan, na ang virus ay nag-leak mula sa makeshift hotel quarantine facilities ng Australia, na matindi ngayong binabatikos.
Ang Australia na mayroong 25 milyong populasyon, ay nakapagtala na ng 30-libong kaso ng COVID-19 mula nang mag-umpisa ang pandemya na ang malaking bilang ay naka hotel quarantine.
@ Agence France-Presse