Memorandum 32 maaari pa ring mapalawak sa ibang lugar na pinaniniwalaang binubulabog ng mga kriminal – ayon sa Malakanyang
Hindi inaalis ng Malakanyang na magpatupad ng katulad na Memorandum 32 sa iba pang lugar sa bansa na makikitaan ng mga karahasan o Lawless Violence ng ilang grupong kriminal.
Sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na hindi mag-aatubili ang Palasyo na utusan ang AF{ at PNP na magbuhos ng dobleng pwersa sa mga lugar na pinangangambahang tumaas din ang kaso ng karahasan.
Ang Memorandum 32 ay inilabas nitong nakalipas na Biyernes ng Malakanyang para dagdagan ang puwersa ng sundalo at pulis sa mga lalawigan ng Samar, Negros Occidental, Negros Oriental at Bicol region.
Ayon kay Panelo hindi dapat masamain ito ng ilang sektor dahil gusto lamang tiyakin ng palasyo na mabibigyan ng sapat na seguridad at proteksyon ang mamamayan laban sa mga nagpapakalat ng karahasan tulad ng pananambang at pagpatay hindi lamang sa mga naka unipormeng pwersa ng gobyerno kundi maging sa mga sibilyan.
Ulat ni Vic Somintac