Meralco may 19 na sentimos na pagbaba sa kada KWH na singil sa kuryente ngayong Hunyo
Gaya ng nauna nang anunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) ay magkakaroon ng pagbaba sa singil sa kuryente ngayong Hunyo.
Sa panayam ng Agila Balita, sinabi ni Asst. Vice-President at Public Information office head Joe Zaldarriaga, aabot sa 19 sentimos per kilowatt hour ang magiging bawas singil sa kanilang mga customers.
Ito na ang magkasunod na dalawang buwan na bumaba ang presyo ng kuryente kung saan aabot na sa kabuuang 57 centavos per kilowatt hour ang ibinaba ng kuryente kung pagsasamahin ang mga buwan ng Mayo at Hunyo.
Ito ay sa kabila ng inaasahan nilang mangyari dahil panahon ngayon ng tag-init at kapag ganito aniyang panahon ay normal na tumataas ang presyo ng kuryente pero kabaligtaran ang nangyari.
Gayunman, nagsisilbi pa ring challenge at babala sa kanila at sa publiko ang madalas na pagsasailalim ng Luzon grid sa red at yellow alerts.
Dahil dito patuloy ang paalala ng Meralco sa publiko na ituloy lang ang pagtitipid sa kuryente
“Kailangan pa rin natin ng mas maraming suplay mula sa mga planta kasi sakaling magkaroon ng di inaasahan na pag-outage sa mga planta sa system ay mayroong sasalo. Pero hopefully next month kung saan inaasahan na magstabilize na ang demand ay mawala na ang mga alerts”.- Joe Zaldarriaga, Meralco Asst. VP