Metro Manila at 9 na lugar sa Luzon, nasa ilalim pa rin ng Signal no. 1 sanhi ng Tropical Depression Ofel
Kasalukuyang nasa baybaying dagat ng Lubang, Occidental Mindoro ang Tropical Depression Ofel.
Sa latest forecast ng Pag-Asa DOST, taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro kada oras at pagbugso ng hanging aabot ng hanggang 55 kilometro kada oras.
Kumikilos ito Kanluran, Hilagang-Kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Habagat o Southwest Monsoon ang nakaka-apekto sa ngayon sa ilang bahagi ng Katimugang Luzon, Kabisayaan at Mindanao.
Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone wind signal no. 1 sa mga lalawigan ng Batangas, Laguna, Cavite, Rizal, Northern at Central portion ng Quezon (Real, Mauban, Sampaloc, Tayabas city, Pagbilao, Lucban, Lucena city, Sariaya, Candelaria, Tiaong, Dolores, San Antonio, General Nakar, at Infanta).
Signal no. 1 din sa Metro Manila, Bataan, Northern portion ng Occidental Mindoro (Mamburao, Abra de Ilog, Paluan, San Cruz) at Northern portion ng Oriental Mindoro (Puerto Galera, San Teodoro, Baco, Naujan, Naujan lake, Victoria, Calapan city).
Naka-limang landfall na ang bagyong Ofel at ang pinakahuli ay alas-11:00 kagabi sa San Juan, Batangas.
Sa susunod na 12 hanggang 24 oras ay malaki ang tsansa na humina na ito bilang isang Low Pressure area habang nasa West Philippine sea.
Bukas ng umaga, inaasahang lalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Ofel o nasa layong 770 kilometers ng Iba, Zambales.
Inaasahan sa araw na ito ay makararanas ng light to moderate rains na paminsang may malakas na pag-ulan ang mainland Cagayan Valley, Cordillera Administrative region, at Central Luzon, Occidental Mindoro at Palawan kasama ang Calamian, Cuyo, at Kalayaan islands sanhi ng Southwest Monsoon.