Metro Manila Film Festival, aarangkada na ulit sa Disyembre
Kinumpirma ni MMDA Chairman Benhur Abalos, na tuloy na tuloy na ang Metro Manila Film Festival sa Disyembre, ngayong maaari nang magbukas ang mga sinehan sa ilalim ng alert level 3.
Sa panayam ng programang Ano Sa Palagay Nyo, sinabi ni Abalos na handang handa na sila para sa MM film fest.
Aniya . . . “Ang ating Cinema Exhibitors Association ay ka-meeting namin halos every month. Pinaghahandaan namin ang pagbubukas ng sinehan para maging masaya naman tayo sa darating na holidays. Nakikipag-ugnayan ang MMDA sa magagandang pelikulang Pilipino na darating po nitong Disyembre, suportahan po natin to.”
Magugunita na noong isang taon ay sa online lamang isinagawa ang pagpapalabas ng mga MMFF movies dahil sa pandemya.
Dahil sa naturang platform ay naging bukas din para sa foreign audience ang mga pelikula.
Sa ulat ng CEAP kamakailan, nalugi ang industriya ng pelikula sa bansa ng 21-bilyong piso bunsod ng pagsasara ng mga sineha mula noong Marso, 2020.