NCR, ibinalik sa ECQ simula Aug 6-20, 2021 dahil sa banta ng Delta variant ng Covid-19
Pinagtibay na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na isailalim sa General Community Quarantine o GCQ with Heightened restrictions ang National Capital Region simula July 30 hanggang August 5 at Enhanced Community Quarantine (ECQ) naman simula August 6 hanggang 20 dahil sa banta ng COVID-19 Delta variant.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque sa ilalim ng ECQ, bawal ang indoor dine-in services at al fresco dining pero papayagan naman ang take-out at delivery services.
Ayon kay Roque pinapayagan na makapag-operate ng hanggang 30 percent ang personal care services gaya ng beauty salons, beauty parlors, barber shops at nail spas.
Sarado muna ang mga indoor sports courts at venues pati na ang indoor tourist attractions at specialized markets na una nang inaprubahan ng Department of Tourism o DOT.
Pinapayagan naman na makapag-operate ng hanggang 30 percent ang outdoor tourist attractions na inaprubahan ng DOT.
Inihayag ni Roque tanging ang mga Authorized Persons Outside their Residences o APOR ang pinapayagang bumiyahe sa loob at labas ng NCR Plus Area na kinabibilangan ng Metro Manila, Cavite, Bulacan, Laguna, at Rizal.
Tanging ang virtual religious gatherings ang pinapayagan ganun din ang necrological services, wakes, inurnment at funerals basta’t hindi Covid-19 ang dahilan ng pagkamatay pero limitado lamang sa mga miyembro ng pamilya.
Samantala, mananatili sa ECQ ang Gingoog City, Iloilo City, Iloilo Province, at Cagayan de Oro City mula August 1 hanggang 7.Isasailalim naman sa Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ ang Cebu City at Cebu Province, Ilocos Norte, Bataan, Mandaue City at Lapu-Lapu City simula August 1 hanggang 15.
Isasailalim naman sa GCQ with heightened restrictions simula August 1 hanggang 15, ang Ilocos Sur, Cagayan, Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Lucena City, Naga City, Antique, Aklan, Bacolod City, Capiz Negros Oriental, Zamboanga del Sur, Misamis Oriental, Davao City, Davao del Norte, Davao Occidental, Davao de Oro at Butuan City.
Nasa GCQ simula August 1 hanggang 31 ang Baguio City, Apayao, Santiago City, Quirino, Isabela, Nueva Vizcaya, Batangas, Quezon, Puerto Princesa, Guimaras, Negros Occidental, Zamboanga Sibugay, Zamboanga City, Zamboanga del Norte, Davao Oriental, Davao del Sur, General Santos City, Sultan Kudarat, Sarangani, North Cotabato, South Cotabato, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Dinagat Islands at Cotabato City.
Ayon kay Roque ang natitirang bahagi ng bansa ay nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ) classification simula August 1 hanggang 31.
Vic Somintac