Metro Manila Mayors, hindi umano nakonsulta sa reduced physical distancing
Hindi umano tinalakay sa Metro Manila Council ang pagbawas ng Department of Transportation sa physical distancing sa mga pampublikong transporasyon.
Ito ang iginiit ni MMC Chair at Parañaque Mayor Edwin Olivarez sa virtual Kapihan sa Manila Bay News Forum.
Dismayado si Olivarez na hindi muna ito tinalakay sa kanila bago ipinatupad gayong sa National Capital Region may pinakamataas na kaso ng covid 19 sa buong bansa.
Binigyang diin ng alkalde na bagamat kailangang buksan ang ekonomiya ng bansa ay hindi naman dapat na ikompromiso ang pinaiiral na health protocols bilang pag-iingat sa covid 19.
Batay sa inilabas na abiso ng DOTr, ang .75 meter na reduced physical distancing ay mababawasan pa paglipas ng ilang linggo.
Pero giit ni Olivarez kung bababa pa ang physical distancing measure ay tututulan ito ng 17 alkalde ng Metro Manila.
Ang posisyon aniya ng MMC ay kailangang i-maintain ang physical distancing kahit na may face mask o face shield pa.
Dagdag pa ni Olivarez na dapat ay pag aralang mabuti ng mga health expert ang ipinatutupad na .75 meter na physical distancing.
Madz Moratillo