Metro Manila Mayors, iginiit ang pagbawi sa resolusyon na nagpapahintulot sa paglabas ng mga menor de edad
Iginiit ng mga alkalde sa Metro Manila ang pagbawi sa Resolution 125 na nagpapahintulot para makalabas na ang mga batang may 5 taong gulang pataas sa mga lugar na nasa Modified General Community Quarantine at General Community Quarantine.
Sa harap ito ng panibagong banta ng mas mapanganib na Covid-19 Delta variant kung saan nakapagtala ng 35 kaso sa Pilipinas at 3 ang namatay.
Nangangamba ang mga alkalde na ang mga bata pa ang maging carrier at spreader sakaling mahawa ng virus.
Paalala ni Marikina city Mayor Marcy Teodoro, wala pang ibinibigay na pediatric vaccine sa mga bata at delikado kung sila ang mahahawa lalo na ng Delta variant.
Kailangan aniyang maging maagap ang mga local government officials para hindi na kumalat lalo sa Kamaynilaan ang mas mapanganib na virus.
Samantala, sa Navotas city, sinabi ni Mayor Toby Tiangco na kahit naglabas ng ganitong resolusyon ang IATF, hindi pa rin nila pinayagan na lumabas ang mga bata.
May umiiral aniya silang ordinansa para sa curfew na bawal lumabas sa loob ng 24 oras ang mga 17 years old pababa.
Paliwanag ni Tiangco kailangang higpitan nila ang patakaran dahil mas delikado kung makapasok sa mga matataong lugar ang virus.
Inirekomenda na ng mga alkalde na pabilisin pa ang vaccination rollout para maabot ang herd immunity na 70 percent ng populasyon ng bansa.
Sa Marikina, sinabi ni Teodoro na umaabot na sa mahigit 200,000 ang nabigyan ng first dose ng Covid-19 vaccine o kumbas ng 96 percent ng kanilang adult population.
Ngayong Huwebes pa inaasahang magpapasya ang IATF kung babawiin ang memorandum hinggil dito.
Meanne Corvera