Mexican journalist, pinatay makaraang mag-post ukol sa nawawalang mga estudyante
Isang mamamahayag ang binaril patay sa southern Mexico, ilang oras matapos mag-post online tungkol sa pagkawala ng 43 estudyante mula sa kalapit na lugar, walong taon na ang nakalilipas.
Ayon sa prosecutor’s office, si Fredid Roman, na naglalathala ng kaniyang mga gawa sa iba’t ibang social media pages at nagsusulat sa isang lokal na pahayagan, ay natagpuang patay malapit sa kaniyang sasakyan sa siyudad ng Chilpancingo, Capitol State ng Guerrero kagabi.
Ang kaso ng 43 mag-aaral mula sa Guerrero, na nawala noong 2014, habang patungo sana sa isang protesta lulan ng isang bus, ay itinuturing na isa sa pinakamalalang human rights disasters sa kasaysayan ng Mexico.
Ang kaso ay muling napagtuunan ng pansin noong nakaraang linggo, matapos bansagan ng isang truth commission ang pangyayari bilang isang “state crime” na kinasasangkutan ng agents ng iba’t ibang mga institusyon.
Ilang oras bago namatay, inilathala ni Roman ang isang mahabang Facebook post na may pamagat na “State Crime Without Charging the Boss,” kung saan binanggit niya ang umano’y pulong sa pagitan ng apat na opisyal sa panahon ng pagkawala ng mga estudyante, kabilang ang isang dating Attorney General na si Jesus Murillo Karam.
Si Murillo Karam ay inaresto makaraang mailathala ang report ng truth commission noong isang linggo, habang dose-dosenang warrant naman ang inisyu para sa mga suspek na kinabibilangan ng mga tauhan ng militar, pulisya at mga miyembro ng cartel.
Hindi naman agad nalinawan kung ang huling post ni Roman tungkol sa nawawalang mga estudyante o ang iba pa niyang journalistic work, ang may kaugnayan sa kaniyang pagkamatay.
Ayon sa gobyerno, labingdalawang mamamahayg na ang napapatay sa Mexico ngayong taon, habang nakapagtala naman ng siyam ang NGO Reporters Without Borders (RSF). Ilang media outlets ang nagsabi na ang bilang ay 15 o 16.
Dahil halos 150 journalists na ang napapatay mula noong 2000, ayon sa RSF, ikinukonsiderang ang Mexico ay isa sa pinakamapanganib na bansa sa buong mundo para sa mga mamamahayag, at wala pang naparurusahan para sa karamihan ng mga pagpatay.
© Agence France-Presse