Mexico niyanig ng 5.8-magnitude na lindol
Isang 5.8-magnitude na lindol ang tumama sa malaking bahagi ng Mexico pati sa kabisera nito na Mexico City, sanhi upang maglabasan sa kalsada ang mga tao, ngunit wala namang inisyal na ulat ng pinsala ayon kay Mayor Marti Batres.
Sinabi naman ni President Andres Manuel Lopez Obrador matapos siyang i-briefing ng civil protection officials, “apparently the quake was not that strong. In any case we will release more information soon.”
Ayon sa seismological institute ng Mexico, ang sentro ng lindol ay nasa estado ng Puebla.
Sinabi ng Puebla officials, na ang pagyanig ay naramdaman sa ilang bayan subalit wala namang inisyal na ulat ng pinsala o mga nasaktan.
Ang Mexico ay nasa limang tectonic plate, kaya’t naging isa ito sa pinakamadalas tamaan ng mga lindol, partikular sa baybayin ng Pasipiko.
Noong 1985 isang 8.1 magnitude na lindol na ang sentro ay ang baybayin ng Pasipiko, ang puminsala sa malaking bahagi ng central at southern Mexico, na ikinasawi ng libu-libong katao at naging sanhi ng malubhang pagkawasak sa Mexico City.
Isang 7.1-magnitude na lindol naman noong September 19, 2017 ang ikinamatay ng 369 katao, na ang karamihan ay mula sa kapitolyo.
Sa kaparehong araw din noong 2022, ang central Mexico ay tinamaan ng isa pang lindol, ilang oras makaraang lumahok ng milyun-milyong katao sa isang “mock earthquake” safety exercise.