Mga ahensiya ng gobyerno na nakinabang sa realignments of public funds sa ilalim ng GAB pinangalanan ng Kamara
Isinapubliko na ng Kamara ang listahan ng mga ahensiya ng pamahalaan na nakinabang sa realignments of public funds sa ilalim ng 2024 General Appropriations Bill o GAB.
Ang naturang realignments ay nagkakahalaga ng mahigit 194 billion pesos na bahagi ng institutional amendments sa proposed budget.
Pinakamalaki ang inilaan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Department of Agriculture o DA at sa attached agencies nito na may 64.5 billion pesos.
Kabilang sa mga programang pinondohan sa DA ang rice subsidy, pagtatayo ng pump irrigation, massive planting program at pagbili ng coconut seeds at fertilization at konstruksyon ng fishery at post harvest facilities sa Kalayaan Group of Islands.
43.9 billion pesos ang inilaan sa Department of Health o DOH para sa Medical Assistance to Indigent Patients, Specialty at Legacy Hospitals, Cancer Assistance Program at Communicable Diseases.
Samantala bahagi naman ng 1.2 billion pesos na tinapyas mula sa confidential at intelligence funds ng civilian agencies ang inilipat sa Philippine Coast Guard para sa ammunition at intelligence fund na nagkakahalaga ng 200 million pesos.
300 million pesos ang ipagkakaloob sa National Intelligence Coordinating Agency, 100 million pesos sa National Security Council , 351.8 million pesos para sa Airport Development at expansion ng Pag-asa Island Airport.
Ang Department of Education na pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte ay binigyan ng 150 million pesos para sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education habang ang Maintenance and Other Operating Expenses ng Ombudsman ay dinagdagan ng 50.4 million pesos.
Noong Sabado ay sinumite na ng Kamara sa Senado ang inaprubahang 2024 General Appropriations Bill o GAB na nagkakahalaga ng 5.267 trillion pesos.
Magugunitang limang ahensya ng pamahalaan ang tinanggalan ng Kamara ng confidential at intelligence fund para sa 2024 proposed national budget at ito ay ang Office of the Vice President 500 million pesos, Department of Information and Communications Technology 300 million pesos Department of Education 150 million pesos Department of Agriculture 50 million pesos at Department of Foreign Affairs 50 million pesos.
Vic Somintac