Mga ahensya ng pamahalaan, dapat bigyan ng sapat na pagkakataon para itama ang mga ‘deficiencies’ na napuna ng COA
Hindi raw nakakagulat ang pagkagalit ng maraming tao kung sa tingin nila ay mali ang paggamit ng pondo ng bayan lalo na’t karamihan sa pinagmumulan nito ay galing sa buwis na kanilang ibinabayad.
Ito ang pahayag ni Justice Sec. Menardo Guevarra kaugnay sa mga pagbatikos sa DOH at iba pang ahensya ng gobyerno bunsod ng sinasabing mga pagkukulang ng mga ito sa paggamit ng public funds na nakasaad sa audit reports ng Commission on Audit.
Pero, naniniwala si Guevarra na bago husgahan ang pananagutan ng mga ahensya at opisyal sa ilalim ng mga batas ay dapat silang bigyan ng sapat na oportunidad para tumugon at itama ang mga deficiencies sa paggasta nila ng pera ng bayan na napuna ng COA.
Mahalaga rin aniyang bigyang-diin na sa kabuuan ang mga ahensya ng pamahalaan ay nagsisikap na makatugon sa maraming auditing rules and regulations ng COA.
Ito ay sa kabila aniya na madalas na nahahadlangan ang mga government agencies ng tedious o matagal at mabagal na proseso ng pagkalap at pagsusumite ng mga dokumento para suportahan ang bawat isang opisyal na transaksyon.
Ayon kay Guevarra, nauunawaan ng COA ang mga nasabing hadlang o constraint at nagpahayag ng kahandaan na repasuhin at pasimplehin ang mga requirements nito nang hindi nasasakripisyo ang mga safeguards para maisulong ang efficiency, accountability, at transparency sa serbisyo ng pamahalaan.
Idinagdag pa ni Guevarra na regular ang paguulat ng COA sa mga obserbasyon nito ukol sa pagtugon ng mga ahensya sa standard auditing rules and regulations, at regulatory processes gaya ng procurement ng goods ans services.
Gayunman, ipinunto ng kalihim na nakasalalay sa ibang tanggapan at sangay ng gobyerno ang pagdetermina kung may posibleng paglabag sa batas ang mga naobserbahang deficiencies ng COA sa isang ahensya.
Una na ring idinipensa ni Guevarra ang pagbatikos ni Pangulong Duterte sa COA kasunod ng audit report sa COVID-19 funds ng DOH.
Iginiit ng kalihim na naiintindihan ng presidente ang mandato ng COA.
Ang pangunahing inaalala aniya ng pangulo ay ang paraan kung paano iprinisinta sa publiko ang initial findings ng COA at ang impresyon nito sa publiko bago pa man makatugon nang buo ang DOH sa audit report.
Moira Encina