Mga Airline pinaghahanda ng MIAA para sa May 17 airspace shutdown
Pinulong na ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang airline companies kaugnay sa May 17 airspace shutdown.
Ang pagsasara ng airspace ay para sa gagawing pagpapalit at pagsasaayos sa uninterruptible power supply (UPS) at sa air traffic management system (ATMS) ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Sinabi ni MIAA OIC Bryan Co na pinag-usapan sa pulong ang mga inisyal na plano ng mga airlines.
Hinimok din aniya ng MIAA ang airlines na plantsahin ang rescheduling o re-timing ng kanilang flights sa NAIA.
Sa initial analysis, sinabi ni Co na tinatayang 130 flights at 20,000 pasahero sa NAIA ang maaaring maapektuhan sa gagawing airspace shutdown.
Gayunman, puwede itong bumabatay sa proper planning ng airline companies
Sa susunod na linggo aniya ay hihingi ang MIAA ng updates mula sa air carriers kung naabisuhan na ba ang kanilang mga pasahero.
Inihayag naman ni CAAP Spokesperson Eric Apolonio na posibleng mapabilis o mapaikli ang oras ng maintenance activity sa May 17 na itinakda ng 12:00 a.m. hanggang 6:00 a.m.
Moira Encina