Mga alkalde sa Metro Manila wala pang pasya sa isyu na payagang pumunta sa Mall ang mga menor de edad
Ikokonsulta muna ng mga Metro Mayors sa mga medical expert ang rekomendasyon na payagan nang makapasok sa mall ang mga bata.
Ang pagpasok sa mall ng mga bata ang isa sa nakikitang solusyon ng Department of Trade and Industry (DTI) para muling maibalik ang sigla ng ekonomiya.
Pero ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, nagsagawa ng emergency meeting kagabi ang Metro Mayors pero wala pang nabuong pasya.
Sa halip na nagdesisyon aniya silang makipagpulong sa Philippine Pediatric Society of the Philippines bukas.
Anuman ang magiging rekomendasyon ay maaari namang pagbotohan ng mga alkalde.
“It is not a recommendation, iyon ang facts. Sabi nga nila, kasi sabi nila private sila kung baga ayaw nila makielam. Hindi sila mag-re-recommend o kokontra. Sasabihin nila yung facts, and pros and cons so nangako naman na, hopefully today or tomorrow, maglalabas sila“. –MMDA GM Jojo Garcia
Nais aniya kasi ng mga alkalde na maging maingat at ayaw nilang maulit ang pagsirit ng kaso ng Pandemya dahil lamang pinayagang pumunta sa mall ang mga bata.
Nauna nang sinabi ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na bagamat may pasya na ang IATF sa paglabas ng mga bata, depende pa rin ito sa pasya ng mga lokal na pamahalaan.
Sa ngayon, nilinaw ni Garcia na tanging may edad na 18 hanggang 65 pa lamang ang pinapayagang lumabas sa ilalim ng ipinaiiral na General Community Quarantine.
Meanne Corvera