JBC, magsasagawa ng online interview sa mga aplikante para sa Ombudsman
Itinakda ng Judicial and Bar Council (JBC) sa Abril 28, Miyerkules ang online public interview ng mga aplikante para sa posisyon ng Deputy Ombudsman for Mindanao.
Isasagawa ng JBC ang interview sa pamamagitan ng Zoom sa ganap na ika-9 ng umaga hanggang ika-12 ng tanghali para sa unang batch at ika-2 ng hapon hanggang ika-5 ng hapon para sa huling batch.
Lima ang aplikante para sa pwesto ng Deputy Ombudsman for Mindanao.
Ang mga ito ay sina Davao City RTC Judges Rowena Apao-Adlawan at Mario Duaves, Presidential Management Staff Undersecretary Anderson Lo, Assistant Ombudsman for Mindanao Maria Iluminada Lapid-Viva at Ombudsman Director Beda Epres.
Samantala, pinalawig ng JBC ang deadline ng pagsusumite ng documentary requirements ng mga aplikante para sa pwesto ng Deputy Ombudsman for Military and Other Law Enforcement Agencies at judgeship positions sa NCR courts hanggang sa May 31.
Moira Encina