Mga aplikante sa binakanteng pwesto ng Associate Justice ni Chief Justice Teresita de Castro, umabot sa 13; public interview para sa mga aplikante itinakda ng JBC sa October 18
Inilabas na ng Judicial and Bar Council ang pangalan ng 13 aplikante para sa posisyon ng associate justice na nabakante matapos maitalaga bilang punong mahistrado si Teresita de Castro.
Sa 13 aplikante, sina Centro Escolar University School of Law Associate dean Rita Linda Jimeno at Sandiganbayan Justice Alex Quiros na lang ang sasalang sa public interview na itinakda ng JBC sa October 18.
Ang labing-isang iba pang aplikante na 10 mahistrado ng Court of Appeals at isang dating law dean ay hindi na sasalang sa public interview.
Valid pa ang nauna nilang panayam sa JBC nang mag-apply sa mga naunang bakanteng posisyon sa Supreme Court.
Ang mga ito ay sina CA Justices Oscar Badelles, Manuel Barrios, Apolinario Bruselas, Jr., Rosmari Carandang, Stephen Cruz, Edgardo Delos Santos, Japar Dimaampao, Ramon Garcia, Ramon Paul Hernando, at Amy Lazaro-Javier, at dating Ateneo Law Dean Cesar Villanueva.
Ulat ni Moira Encina