Mga atletang nakasungkit ng medalya sa 2020 Tokyo Olympics, ginawaran ng parangal ng Senado
Ginawaran ng parangal ng Senado ang mga atletang Pinoy na nagwagi sa katatapos na 2020 Tokyo Olympics.
Binigyan ng Senate Medal of Excellence ang apat na manlalarong nakasungkit ng medalya sa 32nd Tokyo Olympics.
Kabilang dito sina Olympic gold medalist Hidilyn Diaz sa weightlifting women’s division, silver medalists Nesthy Petecio sa boxing for womens at Carlo Paalam sa boxing at bronze medalist na si Eumir Marcial.
Ginawaran din ng pagkilala ng Senado si Philippine Olympic Committee President at Cavite 8th District Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, dahil sa paggabay sa mga atleta upang makamit ang makasaysayang unang gintong medalya ng bansa sa Olympics.
Noong August 24, nauna nang inaprubahan ng Senado ang resolusyon ng pagkilala sa mga atleta na inihain nina Senador Francis Tolentino, Juan Miguel Zubiri, at Juan Edgardo Angara.
Ang pagkilala ay maaaring ihalintulad sa Congressional Gold Medal ng Kongreso ng Estados Unidos na itinuturing na pinakamataas na pagkilala sa natatanging kontribusyon ng isang indibidwal o grupo.
Ang mga atleta ay binigyan rin ng cash incentives mula sa mga ambag ng mga Senador.
Meanne Corvera