Mga ayuda para sa mahihirap na pamilyang Pilipino itinaas sa ilalim ng panukalang Pambansang budget sa 2023
Itinaas ng Senado ang pondo para sa ayuda ng gobyerno sa mahihirap na pamilyang Pilipino .
Ayon kay Senador Sonny Angara na Chairman ng Senate Finance Committee, nakapaloob ito sa inindorso nilang panukalang 5.268 trillion National budget para sa 2023.
Sinabi ni Angara na kabilang na rito ang dagdag na pondo sa ilalim ng assistance to individuals in crisis, Medical at Burial assistance kasama na ang feeding program sa ilalim ng DSWD.
Naglaan rin aniya ng dagdag na pondo ang Senado para sa doble o isang libong pisong pensyon ng indigent Senior citizens bukod pa sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Itinaas rin ang pondo para sa tulong sa hanapbuhay program ng Department of Labor and Employment .
Bukod rito ang dagdag na alokasyon para sa subsidy sa mga tsuper at operators kasama na ang mga apektadong magsasaka at mangingisda ngayong hindi pa rin bumababa ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Angara na ginawa ito ng senado para tulungang makabangon ang mga kababayang hinagupit ng COVID- 19 pandemic pero muling tinamaan ng pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo na nakaapekto na rin sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Meanne Corvera