Mga bagong baryang inilabas ng BSP, pinababawi dahil sa nakalilitong disenyo
Pinababawi ni PBA Partylist Representative Jericho Nograles sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang lahat ng mga bagong barya na inilabas nila dahil sa nakakalitong mga disenyo nito sa publiko.
Giit ni Nograles, ang kalituhan ng publiko sa disenyo ng mga bagong barya ay maaaring magdulot ng negatibong impact sa ekonomiya.
Ilan sa inihalimbawa ng kongresista ay ang kalituhang maidudulot nito sa mga nasa public transportation gaya ng jeepney drivers sa kanilang pagsusukli sa mga pasahero, mga commercial establishments at iba pa.
Hindi sang ayon ang kongresista sa pahayag ni BSP Deputy Governor Diea Guinigundo na madaling makilala ang mga coins sa isang tingin lamang.
Kaya naman duda si Nograles kung sa bagong disensyong ito ng mga barya ay nakunsulta ng BSP ang lahat ng sektor na maaaring maapektuhan nito gaya ng mga may kapansanan sa paningin, senior citizens, at mga nasa Public transport.
Ulat ni Madz Villar