Mga bagong coal plants ng China, magsasapanganib sa kanilang 2060 climate target
BEIJING, China (AFP) – Kailangan nang ihinto ng China ang pagtatayo ng mga bagong coal power plants at palakasin ang kanilang wind at solar capacity, kung nais nitong maging carbon neutral pagdating ng 2060.
Sa bagong report na inilathala ng Helsinki-based Center for Research on Energy and Clean Air, ay nagbabala ito na ang overcapacity ng mga kasalukuyang planta at ng mga bagong itinatayo, ay nangangahulugan na mahihirapan na ang Beijing na ma-meet ang climate goal na ipinangako ni President Xi Jinping sa unang bahagi ng 2020.
Nanawagan ang research organisation sa Chinese government, na isara na ang lahat ng bagong coal-fired power plants na itinayo ngayong taon, at doblehin ang kanilang wind at solar power sa susunod na dekada.
Dapat maging target ng bansa na bawasan ang kanilang coal fleet ng hanggang 680 gigawatts pagdating ng 2030, sa halip nang kasalukuyang plano na palawakin pa ito ng mga 1,300 gigawatts.
Ayon sa mga mananaliksik, kung walang akmang policy intervention para i-shutdown ng maaga ang surplus plants at itigl ang konstruksyon ng mga bagong planta, ang lebel ng carbon dioxide na ilalabas ng China ay magpapakitang halos walang nabawas kumpara sa lebel ng nakaraang taon.
Nakasaad sa report, na hanggat maaari ay dapat na mas maagang ma-achieve ng power section ang zero emissions.
Bilang bahagi ng planong maabot ang carbon neutrality sa 2060, nangako ang China na aabutin din ang kanilang peak carbon emissions sa 2030, na ayon sa mga researcher ay mangangailangan ng kagyat na pagsisimulang bawasan ang coal-fired power.
Sinabi ni Yuan Jiahai, Professor sa North China Electric Power University, na kapag nagpatuloy sa pagbaba ang coal consumption, ang peak ng carbon emissions ay maa-achieve bago ang 2030.
Ayon sa report, isang paraan para makuha ang target ay magtakda ng mataas na presyo ng carbon sa carbon trading market, para mabawasan ang coal-fired power generation.
Nakasaad din sa report ang panawagan para sa koordinasyon sa pagitan ng Chinese government, think tanks at iba pang NGOs, para tiyakin ang visibility at transparency ng proseso.
Ang carbon promise ng China na inanunsyo noong Setyembre sa talumpati ni Xi sa United Nations, ay isang sorpresa dahil ang Beijing ay umasa ng husto sa carbon upang mapasigla ang pagbangon ng kanilang ekonomiya, na mula sa maliit ay naging superpower na ang status sa nakalipas na ilang dekada.
© Agence France-Presse